Monday, January 24, 2011

Internet. Posting. Reading. Writing.

Ang maganda sa trabaho ko ngayon: maraming free time at may access sa internet. Galing ako sa call center kung saan limitado o kung hindi man, totally walang access sa internet. Kung marunong ka naman gumamit ng proxy, hindi ka rin basta-basta pwedeng mag-access dahil maya't-maya ka papasukan ng tawag at hindi mo alam kung ano doon ang mamomonitor ng QA.

Binabaon ko sa office ang mga librong gusto ko basahin uli, para useful pa rin sana ang idle time ko. Hindi ko rin naman nababasa dahil hindi nga ako naiinip, inaantok naman ako. Kaya sa ganoong pagkakataon, nagbabasa-basa ako ng kung ano-anong meron sa google. Pareho lang namang pagbabasa pero bakit mas interasante yung isa. Kasi ata, sa libro, nakayuko kang magbabasa so bibigat ang batok mo, aantukin ka. Di tulad sa PC, nakakalabo ng mata so magagamit ko ang optical reimbursement. Hindi ko naman maintindihan ang sarili ko kung bakit dala pa din ako ng dala ng libro kahit alam kong pampabigat lang yun sa bag at pampasikip sa drawer.

Hindi ko napansin, yung seatmate ko lang ang pumuna, na lahat daw halos ay kinoconsult ko sa Google. Lagi niya akong nakikitang naggogoogle, at kapag tinatanong niya ko ng mga bagay na hindi ko rin alam, sasagutin ko siya ng "i-google mo". Kapag binigyan niya ko ng "bakit hindi ko naisip yun" look, sasabihan ko siya ng "Everything is in Google". Minsan nga sinasabayan na niya ko at may tono na ang pagsasabi niyan, parang pangcommercial. (Sana madiscover ito ng mga taga-Google at gawin kaming endorser, kahit bayarin na lang yung copyright ng tagline).

Minsan, kinalabit ako ni seatmate para magpaturo kung pano burahin ang comment ng iba sa picture niya sa Facebook. Nagpost kasi siya ng mga bagong pictures at in fairness, post worthy dahil magaganda talaga. Ngayon, kaya pala hindi niya mabura eh dahil comment iyon nung isang tao, sa sariling album nito. Ulit. Isang tao, gumawa ng album, ng pictures ni seatmate. Ha! Isipin mo. Album ng pictures mo. Sa FB account ng iba. At...hindi sila close, schoolmates lang sila nung highschool. Inedit nito yung pictures kung saan binura ang eyebags niya, may lettering pa ng pangalan niya, tinag, at nagcomment ng hindi niya gusto. Alam kong kinakagalit ito ni seatmate pero hindi ko talaga mapigilang matawa. Talk about effort para makapang-asar. Lakas ng sapak. Antimano, aawayin na niya pero pinayuhan ko siyang pag-isipan ang mga sasabihin. Baka sumunod niyan, lahat na ng pictures niya i-edit, tutal mukhang marami naman siyang time para gawin yun (big grin here). So pinakiusapan niya ng maayos na burahin ang mga edited pictures dahil nakaka-offend ito.

Aside sa nakakabobo, isa sa downside kapag maluwag ang trabaho ay yung mamamatay ka sa sa inip sa bagal ng oras. So dahil gusto kong maging useful ang idle time habang naghihintay ng uwian, naisipan kong magtitingin ng pictures ng mga babaeng gusto kong maging kamukha kapag nagpaplastic surgery na 'ko. Andy Manzano. May isang picture niya na nakatawag ng pansin ko. Nung i-click ko na ang picture, nalaman kong hindi naman pala siya yung babaeng basa bathtub na natatakpan ng mga bula. Kasama lang yung pangalan niya sa article kaya lumabas ang picture na ito sa pangalan niya sa google images. Sabi sa article, si Andy daw ay mag hohost ng Party Pilipinas alongside Ellen Adarna. Ellen who? Some girl daw na sumikat sa internet. So bagong search...Ellen Adarna. Normally, siguro hindi ako masyado ma-aamazed enough para i-blog ko pa ito. Pero some months ago, binisita ko ulit yung forum namin ng mga kaklase nung college. At alam ko 'tong kwento na 'to. Pinag-uusapan ang pictures niya sa mga internet forums nung mga nakaraang taon. Ngayon, artista na pala siya at siya pala yung cover girl ng FHM nung December. Siya na pala yun. Nung binasa ko yung article sa FHM (na nasa internet din!), kinilabutan ata ako. Ang ganda lang kasi ng pagkakasulat. Narealized ko ang kapangyarihan ng internet at ng usap-usapan ng tao, how it can make or break you. Pag nagpost ka ng picture mo sa internet, pwede kang sumikat kagaya ni Miss Adarna, or pwedeng babayun ito ng iba kagaya ng ginawa kay seatmate. And there is such a thing as 15 minute fame para sa mga regular na tao. At, dang! Bakit ba hindi ako naging chinita?

Lately ay nagkaroon ulit ako ng interest sa internet forums at online community. Matindi na ata talaga ang kagustuhan kong magkalovelife (joke, pero half meant hehe). Lurking lang. Nakakatawang isipin na kahit hindi nila ako kilala, natatakot akong makuyog sa korning banat at maling opinyon. Kung paanong napapatawa ako ng mga sikat na shows ng mga sikat na artista na kumikita ng milyon-milyon, ganun din ako napapatawa ng mga karaniwang taong ito, minsan higit pa. Gustong-gusto ko din yung exchange ng mga ideas at iba't ibang opinyon. Siguro impluwensiya ng kakapanood ko ng mga American movies and sitcoms, aaminin kong nastereotype ko ang mga ito bilang gawain ng mga losers, loners, at geeks. Alam ko kasi isa ako sa mga iyon. =) At hindi ko iyon dinedeny. I mean, kung cool ako, siguro wala akong time para maggaganito dahil busy ako kakareply sa mga nagtetext sakin, o kaya lagi akong wala sa bahay dahil lagi akong out of town, nasa gimikan, inuman, party, or kaya dates (talagang binabalik ko sa topic ng lovelife, isa pang gawain ng loser, hehe). Pero pwede din naman na gusto ko ito by choice, dahil ito ang hilig ko at interest ko (at namin, kasama silang mga nagtatago sa usernames at profile pic). Interesante sa akin ang totoong tao, dahil bilang wannabe writer, pwedeng pagkuhunan ng inspirasyon at materyal. Ang iba naman ay malayong-malayong matawag na loser dahil sa angking seryosong humor at talent, naghahanap lang siguro ng kapareho ng hilig (ayan bumawi na 'ko, huwag niyo na po akong paabangan sa labasan please).

PUA. May isang kaibigang nagbanggit niyan at nang tanungin ko kung ano ito, sinagot niya ang palagi kong sagot kay seatmate - "google". Pick up artistry pala. Aware ako nang konti dito dahil nanonood ako ng "How I Met Your Mother", at nabrowse ko na ang librong "The Game" sa kakatambay ko sa mga bookstore. Pero may internet forum din pala ito, at tulad ng "The Game" na pati paliligo ay tinuturo, dito halos lahat ng how to meron. Binasa-basa ko ng konti, at natawa ako sa nadiscover ko - "negging", isang method na ginagamit kung saan iinsultuhin or aasarin ng lalaki ang target niya. Hindi ko kasi talaga maintindihan, kung bakit ang isang tao, na hindi mo close ay bababuyin ang pictures mo, na magaganda naman, gagawan ng album sa sarili niyang FB account,itatag pa, at magcocomment ng hindi maganda. Obviously nang-aasar at nagpapapansin dahil siguro 1. binully mo siya nung highschool at ngayon ginagantihan ka. 2. bakla ito at naiinggit sa mga magagandang pictures ng iba. Kinabukasan after the possible "negging", nagreply si schoolmate sa message ni seatmate, and it appears, nagpapacute nga lang talaga. Pero dahil hindi nito nakuha ang inaasahan niya sigurong response (ehem, ehem, may umawat kasi), hindi na din nito tinuloy ang PUA niya. Hindi ko na din pala tinuloy ang pagbabasa ng tungkol sa PUA dahil nalilito ako lalo, napupurnada ang kaunti ko na ngang nalalaman sa pakikipagrelasyon.

Kanina-kanina lang ay sinipag akong basahin ang luma kong libro, at dahil wala akong internet sa bahay, at buong araw ako nagtulog kaya hindi ako inantok, naging successful naman ako sa pagbabasa until maalala ko...na si Bob Ong...tulad ni Ellen Adarna...ay unang sumikat sa internet.

Kaya tumigil muna ako sa pagbabasa.

No comments:

Post a Comment

anong say mo?